Nakadungaw ang aking mga mata sa bintana.
Nagmamasid ng mga taong dumadaan. Sa labas,
may mga estudyante: masasaya, nagkukwentuhan,
nagtatawanan . Ang iba seryoso,
siguro may pagsubok sa klase
may nalimutang basahin; kawawa.
Sa kotse sa kalsada, masid ang
mga propesyonal may kausap sa cellphone
habang nagmamaneho, huwag naman maaksidente.
May mga nagtratrabaho sa kalye,
bantay ang mga panindang nilalako
dyaryo, sigarilyo, pagkain – sarap.
Mabuti pa sila. Nasisilayan ang pagsikat
ng araw, ramdam ang pagpatak ng ulan,
nakakapaglibot kung saan. Malaya.
Habang ako nandito sa loob,
nagmamasid ng buhay sa labas: isang bilanggo
– inosente pero walang magawa
nakatali ang kamay
bilang ang paghinga. Death sentenced:
ilang buwan na lang sabi nila.
Di makalakad ng malayo: nanghihina.
Puso’t katawan naghihirap na. Kaya heto,
nakadungaw lang sa bintana. Nag-aabang ng buhay.
May hinihintay. (Sa Hospital Ward 209)
No comments:
Post a Comment