Showing posts with label filipino. Show all posts
Showing posts with label filipino. Show all posts

09 January 2009

room 209

Nakadungaw ang aking mga mata sa bintana.
Nagmamasid ng mga taong dumadaan. Sa labas,
may mga estudyante: masasaya, nagkukwentuhan,
nagtatawanan . Ang iba seryoso,
siguro may pagsubok sa klase
may nalimutang basahin; kawawa.
Sa kotse sa kalsada, masid ang
mga propesyonal may kausap sa cellphone
habang nagmamaneho, huwag naman maaksidente.
May mga nagtratrabaho sa kalye,
bantay ang mga panindang nilalako
dyaryo, sigarilyo, pagkain – sarap.
Mabuti pa sila. Nasisilayan ang pagsikat

ng araw, ramdam ang pagpatak ng ulan,
nakakapaglibot kung saan. Malaya.
Habang ako nandito sa loob,
nagmamasid ng buhay sa labas: isang bilanggo
– inosente pero walang magawa
nakatali ang kamay
bilang ang paghinga. Death sentenced:
ilang buwan na lang sabi nila.
Di makalakad ng malayo: nanghihina.
Puso’t katawan naghihirap na. Kaya heto,
nakadungaw lang sa bintana. Nag-aabang ng buhay.
May hinihintay. (Sa Hospital Ward 209)

20 August 2008

paglaho














Inspirasyon
inspirasyon nakawala sa akin,
at pilit man habulin
kilometro na ang layo –
peste, lintik na buhay!

Ngayon
ngayon paano na
ang panaginip ng kabataan
para ngang bula
biglaan, pumutok!

Tatawa
tatawa na lang ako
sisigaw ng kawalan
habang bumabalik sa dati
sira-ulo, baliw!

Palipasin
palipasin na lang siguro
sapagkat wala nang bukas
narito na ang wakas
papalapit, nagmamadali!

06 July 2008

inosente














Sa isang titik

naisilang ang salita
sumusigaw ng kaisipan
nagtuturo –
iminulat ang mga mata
sa kadiliman ng gabi
upang sa araw
ibaling

at dun lumikha
ng diwa –
makasaysayan,
mayaman

naglilok ng bakas
sa mga taong lumipas
ngunit ngayo'y
tila tinatalikuran


ang siyang simula
nagbadya ng wakas
na kahahantungan ng lahat
maliban na lamang
kung maiganyak ng puso
ang isipan
na bumalik
sa katuturan.

15 June 2008

melancholy














Ayun si Veronika
nakadungaw sa may bintana
nag-iisip, nagmumuni-muni
kinakausap ang sarili –
Kailan kaya siya babalik
hanap ko kanyang halik
kung bakit pa kaya lumayo
naging masama ba ako?


Ayun si Veronika
nakahiga lang sa kama
mag-aalas-dose na sa orasan
di na makatulog sa kalungkutan –
Kailan kaya siya babalik
sa kanya ako’y sabik
kung bakit pa kaya lumayo
ngayon anong gagawin ko?


Ayun si Veronika
nakaupo sa may sala
di pansin ang nakahanda
ngayo'y buto’t balat na –
Kailan kaya siya babalik
taon ang binilang sa pagbalik
kung bakit pa kaya lumayo
magpakamatay na lang kaya ako?

20 May 2008

pesteng ulan 'to

Bakit hanggang sa loob ng sasakyan
ako'y iyong sinusundan
dumadampi sa nanlalamig ko ng balat

nakuha mo pang makasulok sa kaliit-liitang butas
na sa bubong ikaw ring may gawa
layunin ako ay gambalain

sa likod di ako mapakali, napapaupong nakayuko
iniiwasan ang basa mo
katabi ko nasisiksik na sa gilid

kahit antok aking nalabanan
salamat sa'yong walang pakundungang patak
ngunit balewala, sakit ng ulo ang humalili

pati ba naman sa Naga nakuha mo pang magpakita
sumuksok na lang ako sa mga dampa
nang di mo maabutan

kung bakit ba naman ako'y pinahihirapan
maglakad man o tumakbo nakabuntot pa rin
kaya sa bahay, basang-basa ako nakarating.

18 May 2008

Banyaga sa sariling wika

Lagi na lang sa pagtataka humahantong ang aking pagmumuni-muni sa tanong kung paano mas naging madali para sa akin na gamitin sa pagsusulat at pagsasalita ang wikang Ingles kumpara sa Filipino.

Filipino ang tawag sa pambansang wika ng bansa. Hango ito sa wikang Tagalog na nauunawaan at nasasalita ng maraming Pilipino. Ingles naman ang itinuturing na pangalawang wika ng bansa. Isa ang Pilipinas sa mga bansa na maraming mamamayan na nakapagsasalita ng wikang Ingles. At sa ngayon, mas marami na rin ang mas magaling magsalita at magsulat sa wikang Ingles kaysa sa Filipino. Idagdag nyo na ako rito.

Kahit na mukhang ibang-iba sa kinagisnan ko na wikang Bikol, madali kong natutunan ang Filipino (Tagalog). Unang-una, ito ang sinasalita ng ilang miyembro ng aming pamilya. Ito rin ang ginagamit na wika sa paaralan nung nasa
nursery ako. May pagkakapareho din ito sa aming wika.

Natatandaan ko pa nang nagtapos ako sa elementarya, nakatanggap ako ng medalya dahil sa ipinakita kong kahusayan sa asignaturang Filipino. Pero bigla na lang ito nagbago nung tumapak na ako sa hayskul. Filipino ang nag-iisang asignatura na ayaw kong pasukan sa apat na taon ko sa sekondarya. Kapag nasa klase na ako parang nanghihina ako at nakakaramdam lagi ng pagkabato. Pinagmamasdan ko na lang ang orasan at hinahayaang lumipas ito. Hindi rin ako nagkainteres na basahin ang mga aklat na Ibong Adarna, Florante at Laura, maging ang aklat na Noli Me Tangere at El Filibusterismo ni Rizal. Nagtataka nga ko kung paano ako nakapasa at nakakuha pa ng mataas na marka sa Filipino noon gayung isa sa mga layunin ng asignatura ang mabasa at maintindihan ang apat na aklat.

Sa kolehiyo naman, mas lalo kong ikinainis ang Filipino, ang tatlong kurso dito ang pinakamababa kong marka na nakuha sa kolehiyo. Mas napatunayan ko rin sa sarili na hindi nga ako magaling sa Filipino. Minsan nagkaroon kami ng pagsubok sa mga idyomatikong salita at noon ko lang nalaman ang ibig sabihin ng 'di mahulugan ng karayom' at iba pang kagaya nito. Pinagawa rin kami ng mga pangungusap at natatawa na lang ako dahil mali-mali ang pagkagamit at pagkaayos ko ng mga salita.

Hadlang naman ang aking pagiging Bikolano sa pagsasalita sa Filipino. May kakaibang diin ang aming salita kumpara sa Tagalog. Kaya minsan bigla na lang natatawa ang mga nakakausap ko sa Filipino. May kakaiba raw na tunog ang aking pagsasalita. Nahasa na lang ang pagsalita ko sa wika nung nag-aral na ako sa Manila.

Pero hanggang ngayon, itinuturing ko pa rin na mahina ako sa wikang Filipino. Mas nanaisin ko pang gamitin ang salitang Ingles lalo na sa pagsusulat. Kulang na kulang ang kayamanan ko sa talasalitaang Filipino kumpara sa Ingles. Ngunit hangad ko rin na mas payamanin ito. Magandang pakinggan ang mga malalalim na salitang Filipino gayundin ang magbasa at magsulat ng komposisyon sa salitang ito.

Alam ko na marami rin na kagaya ko na hindi masyadong bihasa sa Filipino kahit na ito ang pangunahing salita nila. Ngayon siguro ang tamang panahon na pahalagahan na rin ito nang maigi upang mas mapayaman pa ang ating wika. Teka, ngayon nga ba o noon pa dapat?


Halata naman siguro sa komposisyong ito na malayo pa ang tatahakin ko upang maging bihasa sa Filipino (hehe). Maraming mga salitang Ingles ang ibinangkas ko na lang sa Tagalog gayung may katumbas din naman ito sa salitang Filipino. Mapapansin din ang di masyadong maayos na pagkasulat nito. Unawain nyo na lang.

08 May 2008

byaheng ligaw

minsan ako’y naglakbay, di alam kung sa’n patungo

kayraming dinaanan, nakatago ang pupuntahan

pilit na naghahanap ng masisilungan, ngunit

byahe’y di maihinto sa mga kantong nalalampasan

kaya patuloy ang lakbay isa lamang ang nasa isipan

pansariling kapayapaan ng isip at ligayang inaasam

sa pagkakataong may makikisabay walang pakialam

hindi iniinda kung ano ang pakay sapagkat

isipa’y nakakulong sa iisang kagustuhan, nakalimutan

na mga taong nakikilakbay na may magandang

kalooban, di pansin na sila pala’y may hangaring

samahan ako sa biyahe at gawing magaan ang loob

sa di malamang pagkakataon, sila’y bumaba

di man lang pinigilan, konsentrasyon pa ri'y sa manibela

ngayon ay nag-iisa, tuloy pa rin ang lakbay

inisip ang mga dinaanan, nagsimulang pagsisihan

mga pagkakataong pinakawalan at pinabayaan

nasayang lang ang nakaraan, di masyadong pinahalagahan

byahe sana’y hindi minadali, mga dinadaana'y minasdan

noon sana’y nahanap na ang kagustuhan,

destinasyon ay kita na, malapit na ang hintuan

ngunit wala nang magawa, sapagka’t lumipas na

kaya patuloy ang byaheng di alam ang patutunguhan

naghahanap, nag-iisip, tumitingin na sa dinadaanan.