Lagi na lang sa pagtataka humahantong ang aking pagmumuni-muni sa tanong kung paano mas naging madali para sa akin na gamitin sa pagsusulat at pagsasalita ang wikang Ingles kumpara sa Filipino.
Filipino ang tawag sa pambansang wika ng bansa. Hango ito sa wikang Tagalog na nauunawaan at nasasalita ng maraming Pilipino. Ingles naman ang itinuturing na pangalawang wika ng bansa. Isa ang Pilipinas sa mga bansa na maraming mamamayan na nakapagsasalita ng wikang Ingles. At sa ngayon, mas marami na rin ang mas magaling magsalita at magsulat sa wikang Ingles kaysa sa Filipino. Idagdag nyo na ako rito.
Kahit na mukhang ibang-iba sa kinagisnan ko na wikang Bikol, madali kong natutunan ang Filipino (Tagalog). Unang-una, ito ang sinasalita ng ilang miyembro ng aming pamilya. Ito rin ang ginagamit na wika sa paaralan nung nasa nursery ako. May pagkakapareho din ito sa aming wika.
Natatandaan ko pa nang nagtapos ako sa elementarya, nakatanggap ako ng medalya dahil sa ipinakita kong kahusayan sa asignaturang Filipino. Pero bigla na lang ito nagbago nung tumapak na ako sa hayskul. Filipino ang nag-iisang asignatura na ayaw kong pasukan sa apat na taon ko sa sekondarya. Kapag nasa klase na ako parang nanghihina ako at nakakaramdam lagi ng pagkabato. Pinagmamasdan ko na lang ang orasan at hinahayaang lumipas ito. Hindi rin ako nagkainteres na basahin ang mga aklat na Ibong Adarna, Florante at Laura, maging ang aklat na Noli Me Tangere at El Filibusterismo ni Rizal. Nagtataka nga ko kung paano ako nakapasa at nakakuha pa ng mataas na marka sa Filipino noon gayung isa sa mga layunin ng asignatura ang mabasa at maintindihan ang apat na aklat.
Sa kolehiyo naman, mas lalo kong ikinainis ang Filipino, ang tatlong kurso dito ang pinakamababa kong marka na nakuha sa kolehiyo. Mas napatunayan ko rin sa sarili na hindi nga ako magaling sa Filipino. Minsan nagkaroon kami ng pagsubok sa mga idyomatikong salita at noon ko lang nalaman ang ibig sabihin ng 'di mahulugan ng karayom' at iba pang kagaya nito. Pinagawa rin kami ng mga pangungusap at natatawa na lang ako dahil mali-mali ang pagkagamit at pagkaayos ko ng mga salita.
Hadlang naman ang aking pagiging Bikolano sa pagsasalita sa Filipino. May kakaibang diin ang aming salita kumpara sa Tagalog. Kaya minsan bigla na lang natatawa ang mga nakakausap ko sa Filipino. May kakaiba raw na tunog ang aking pagsasalita. Nahasa na lang ang pagsalita ko sa wika nung nag-aral na ako sa Manila.
Pero hanggang ngayon, itinuturing ko pa rin na mahina ako sa wikang Filipino. Mas nanaisin ko pang gamitin ang salitang Ingles lalo na sa pagsusulat. Kulang na kulang ang kayamanan ko sa talasalitaang Filipino kumpara sa Ingles. Ngunit hangad ko rin na mas payamanin ito. Magandang pakinggan ang mga malalalim na salitang Filipino gayundin ang magbasa at magsulat ng komposisyon sa salitang ito.
Alam ko na marami rin na kagaya ko na hindi masyadong bihasa sa Filipino kahit na ito ang pangunahing salita nila. Ngayon siguro ang tamang panahon na pahalagahan na rin ito nang maigi upang mas mapayaman pa ang ating wika. Teka, ngayon nga ba o noon pa dapat?
Halata naman siguro sa komposisyong ito na malayo pa ang tatahakin ko upang maging bihasa sa Filipino (hehe). Maraming mga salitang Ingles ang ibinangkas ko na lang sa Tagalog gayung may katumbas din naman ito sa salitang Filipino. Mapapansin din ang di masyadong maayos na pagkasulat nito. Unawain nyo na lang.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment